Miyerkules, Pebrero 28, 2024

TURISMO MISMO!

Pilipinas, kayganda! Maganda nga ba ang Pilipinas? Paano mo ito maibabalita sa ibang mundo? Isang simpleng bagay na maiaambaga mo sa turismo ng Pilipinas ay ang PROYEKTONG PANTURISMO. Mismo! Ito nga, at dahil mag-aaral ka pa lang, dapat alam mo kung paano ka makatutulong sa payak na paraan. Pero teka, ano nga ba ang turismo???

Ang turismo ay paglalakbay o pagbisita ng mga tao sa ibang lugar na may layunin. Ang iba ay upang makapaglibang, makapagnegosyo at ang iba naman ay may pansariling dahilan o pakay. Sa pamamagitan nito, hindi maiiwasang mabigyang-pansin ang kultura, kapaligiran at ano mang bagay sa pook na pinuntahan.

Turista ang tawag sa taong maglalakbay sa ibang bansa. Hinahanap niya ang mga bagay na wala sa kanyang bansa o kaya naman ay para sa kakaibang kapaligiran o kalikasan. Dapat na maipakita ang kagandahan ng lugar, ang maayos na pakikitungo at tunay na serbisyo na magpapangiti sa sinumang turista. Sa ganitong sitwasyon, nasusukat ang pangmtagalang ugnayan ng dalawang bansa na magkaiba ang lahi.

Sa pandaigdigang aktibidad, naging bantog ang turismo. Kinilala itong mahalaga sa buhay ng mga bansa dahil sa tuwiran itong nakaaapekto sa sektor ng lipunan, kultura, ekonomiya at edukasyon. Lumilikha ito ng pagkakataong malutas ang suliranin sa kawalan ng hanapbuhay, pati ang serbisyo sa ekonomiya na kaugnay ng transportasyon. Nariyan rin ang serbisyo sa hospitalidad tulad ng panunuluyan sa isang hotel at resort; idagdag pa ang para sa paglilibang tulad sa mga parke, casino, malls at mga katulad nito.

Tunay na malaki ang magagawa ng turismo sa kaunlaran at pagpapakilala sa bansang kinabibilangan, kaya upang maging matagumpay sa inaasam na makilala ang bansa at makapanghikayat ng turista, pakikiisa ng mga mamamayan, suporta ng pamahalaan at pagpapakita ng mga kaugaliang katanggap-tanggap sa pandaigdigang pakikipag-ugnayan ang dapat na isaalang-alang

mula sa mga bumuo ng Kayumanggi para sa Baitang 7-Ikaapat na Markahan

Paano nga ba makapanghihikayat ng mga turista? Paano maipapaalam ang kagandahan ng kalikasan at kapaligiran sa ating bansa? Isang Proyektong Panturismo ang tutugon dito.

Mga Bahagi ng Proyekto
Maaaring ipaliwanag ang poster bilang introduksiyon sa kanilang proyekto.

A. Poster
             Ano ang kuwento sa likod ng kanilang disenyo? Bakit ninyo ito napili? Ang poster ang magsisilbing representasyon ng kanilang paksa, grupo, at mensahe. Sa pamamagitan ng poster, magkakaroon ng ideya ang inyong mga kaklase at ibang tao sa kagandahan ng kanilang bayan na maaaring hindi pa nila alam. Gumamit ng mga retrato o imahen na talagang magpapakita ng dapat asahan ng mga tao sa gagawing presentasyon. Ang poster rin ay magagamit ninyo bilang buod ng inyong proyekto. Maganda kung mayroon itong pamagat.

B. Presentasyon
            Ano ang paksa ng kanilang proyekto? Ano ang kanilang mga nalaman tungkol dito?
Ang mga layunin ng inyong presentasyon:
1. Masagot ang 10 gabay na tanong na binigay bago ninyo umpisahan ang proyekto
2. Mahikayat ang mga taong subukan ang pinag-aralang pagkain/produkto/kasiyahan/lugar
at iba pa
3. Maipaliwanag ng may kaayusan, kabuuan, at kaisahan ang pagsusuri
4. Maipakita ang kagandahan at katangi-tanging kuwento ng inyong bayan
5. Makapagbigay ng paraan o mga paraan kung paano ninyo mapalalaganap ang inyong
proyekto (Halimbawa: Nais ninyong ipaskil ang inyong poster sa ibang paaralan, ipa-imprenta
ang inyong travel brochure sa tulong ng lokal na grobyerno at ipadala sa ibang bayan, isali
ang inyong blog site sa mga website na panturismo, ilagay sa youtube ang inyong AVP at iba pa)

C. Travel Brochure
            Ano-ano ang mga lugar na maaaring puntahan upang lalong makilala ang paksa?
Ang travel brochure ay maglalaman ng mga lugar na nais dalawin ng mga tao upang maging
kumpleto ang kanilang karanasan. Piliin lamang ang detalyeng ilalagay dito dahil kaunti lang ang maaaring isulat na pangungusap. Lagyan rin ng magandang disenyo at retrato kung mayroon.
1. Tatlo o higit pang lugar na dapat puntahan
2. Ang kahalagahan ng bawat lugar
3. Mga makikita at maaaring gawin doon

D. Blog
                 Ano ang mga importanteng impormasyong nais ninyong ibahagi sa iba?
Narito ang mga maaaring ilagay sa inyong blog:
1. Mga karanasan habang kayo ay nangangalap ng impormasyon
2. Mga taong inyong nakilala
3. Mga impormasyong inyong natuklasan
4. Saloobin o opinyon tungkol sa paksa, karanansan, lugar, at iba pa
5. Mga mungkahing gawain kung pupunta ang isang turista sa iyong bayan at nais itong makilala
6. Maaari niyo ring ipakita o ipakilala dito ang mga produkto, pagkain, kasiyahan, tao,
kabuhayan na inyong sinuri.

Narito ang ilang kilalang blog sites:
www.wordpress.com
www.blogspot.com
www.blogger.com

www.tumblr.com






7 komento: